Ngayong araw, Oktubre 10, ipinagdiriwang ang “World Mental Health Day” na may campaign slogan na “Mental health care for all: let’s make it a reality.”
“But World Mental Health Day is about more than advocacy. It also provides an opportunity to empower people to look after their own mental health and provide support to others,” mensahe ng World Health Organization sa kanilang website.
Ayon sa WHO, sa buong mundo, limang porsyento (5%) ng mga adults ang dumadaan sa depression, isa pitong kabataan edad 10-19 ang nakakaranas ng mental disorder, at ang mga taong mayroong mental disorder tulad ng schizophrenia ay nababawasan ng 10-20 taon ang buhay.
Samantala, ayon sa United Nations Children’s Fund o UNICEF, ang suicide ang isa sa limang sanhi ng pagkamatay ng mga kabataang may edad 10-19, halos 46,000 ang nawawalang buhay bawat taon dahil sa suicide.
Sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), pang-25 ang suicide sa mga dahilan ng pagkamatay sa Pilipinas noong 2020.
Paano nga ba ito maiiwasan? Narito ang ilang paraan para tulungan ang mga taong dumadaan sa ganitong sitwasyon.
Basahin: May nakikinig sayo: Selebrasyon ng World Suicide Prevention Day sa gitna ng pandemya
Ngayong nasa pandemya, hindi maiiwasan na magkaroon ng problema sa usaping mental. Kaya naman narito ang ilang paraan upang ma-protektahan ang iyong mental na pang-kalusugan.
Ayon sa Mental Health First Aid (MHFA), mayroong limang paraan para manatiling malusog ang mental na aspeto ng katawan.
- Ugaliing ibahagi ang mga nararamdaman – Magkaroon ng mga ‘rant buddies’ o mga kaibigan, kapamilya, o kakilalang maaaring mapag-kwentuhan.
- Mag-set ng boundaries – Matutong humindi sa ilang bagay na hindi nais gawin. Sa pamamagitan nito, nababawasan ang mga alalahain.
- Alagaan ang pisikal na pangangatawan – Karugtong ng mental na pangangatawan ang pisikal na aspeto kaya kung sakaling magkaroon ng problema sa aspetong ito ay maaapektuhan rin ang mental na pang-kalusugan.
- Humanap ng ‘coping mechanism’ – Sa pamamagitan nito, nagkakaroon ng paraan ang isang tao upang mabawasan ang stress. Isa sa mga halimbawa nito ay paggawa ng isang journal, meditation, paglikha ng sining, at pakikinig sa mga musika.
- Humingi ng tulong kung kinakailangan – Magtiwala sa mga awtoridad. Huwag mahiyang kumonsulta kung nakakaranas ng ilang sintomas ukol sa mental na problema.
Kaya naman pagkaingatan ang iyong mental na pang-kalusugan lalo na ngayong pandemya.
Ika nga, “Mental health is as important as physical health.”