PANIBAGONG karangalan ang sinungkit ng isang batang atleta buhat sa fencing matapos na magwagi ng medalya sa Junior World Cup na ginanap sa Guatemala.
Siniguro ni Maxine Esteban ang kauna-unahang bronze medal sa women’s foil individual event nitong Linggo.
Ayon sa 17-anyos na si Esteban, isang karangalan para sa kanya ang makapag uwi ng medalya na aniya’y resulta ng masinsin na pagsasanay at paghahanda.
“It was very fulfilling and worth it ang byahe. It took us 37 hours to get to Guatemala. This is my first time to win a medal in Junior World Cup,” pahayag ng pambato ng Ateneo University.
Sa Pool eliminations pa lamang ay winalis na na ni Esteban ang kanyang mga kalaban, matapos na magwagi ng limang ulit.
Unang pinataob ni Esteban ang pambato ng Guatemala na si Kania Saucedo sa 5-0 kung saan sinunod naman niyang pinataob si Michela Somocurcio ng Peru, 5-1.
Kasunod nito, ginapi niya si Gayatri Banot ng US, 5-3, at nanaig kina Sofia McGoff ng Puerto Rico, 5-1 at Jubanel Taylor o ng Costa Rica, 5-1.
“I was super happy when I saw the Philippine flag. Akala ko walang Philippines or Filipinos na andun. I was very happy to see that there were Filipinos there,” ayon kay Esteban.
Tinalo ni Esteban ang pambato ng Germany na si Caroline Stutchbury sa 15-8 panalo upang makaakyat sa semis.
Ngunit, kinapos siya kay Amitha Birthier ng Singapore, 4-15.
Gayunman, masaya si Esteban sa naging resulta ng kanyang kampanya sa nasabing torneo kung saan ay umangat ang kanyang puntos world ranking sa 21st buhat sa 34th place.
“Thank you to everybody who supported me and to my parents for the never ending support,” pahayag ni Esteban.
Si Esteban ay kabilang sa mga batang fencers na nagwagi ng ginto sa Asian Under 23 Championships na ginanap kamakailan sa Pilipnas.
-Annie Abad