Ni Mary Ann Santiago
Tuluyan nang hindi nakalabas sa presinto ang isang babaeng dalaw nang mahuling nagsu-supply ng ilegal na droga sa mga preso sa Sta. Mesa, Maynila kamakalawa.
Kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si Glenda Garcia, 42, residente ng 1920 Mindoro Street, corner Visayan Street, sa Sampaloc, Maynila.
Sa ulat mula sa tanggapan ni Police Supt. Ruben Ramos, station commander ng Manila Police District (MPD)- Station 6, inaresto ang suspek sa loob mismo ng Sta. Mesa Police Station, na matatagpuan sa Ramon Magsaysay Boulevard, kanto ng Old Sta. Mesa St., bandang 5:40 ng hapon kamakalawa.
Una rito, dinalaw ni Garcia sa nasabing presinto ang kanyang kinakasama na si Wesly Imperial, na nahaharap din sa kasong illegal drugs.
Habang nasa loob ng presinto ang suspek, nakatanggap ng impormasyon si Police Chief Insp. Ermie San Agustin na nagsu-supply ng shabu si Garcia sa mga bilanggo.
Dahil dito, nagsagawa ng security inspection si San Agustin at ipinag-utos na kapkapan ang suspek. Nakuha kay Garcia ang dalawang pakete ng umano’y shabu at tuluyang ipinasok sa rehas.