KINUMPIRMA sa amin ng isang ABS-CBN executive na isa sa nakalinya rin para gawin ng birthday boy na si Coco Martin ang Ang Batang Quiapo na isa pang FPJ blockbuster hit.
Ito raw ang pinagbabalakang ipalit pagkatapos ng Ang Probinsiyano na sa pagkakaalam ng source namin ay malamang na sa darating na February 2017.
Usap-usapan din sa loob ng Dreamscape Entertainment Productions na ang kasintahang si Julia Montes daw ang inirekomenda ni Coco para maging leading lady niya sa TV version ng Ang Batang Quiapo.
Malapit na rin kasing magtapos ang Doble Kara ni Julia. Pero may mga nagbanggit naman daw ng iba pang pangalan na posibleng makasama ng Primetime King sa susunod na proyekto.
Ang isa raw sa mga napag-usapan na malaki rin ang posibilidad na maging leading lady ni Coco ay ang sinasabing idolo ngayon ng kabataan na si Liza Soberano. Kakaiba ang gandang taglay ni Liza Soberano. Kumbaga, hindi lang pang-Pilipinas ang ganda ng Kapamilya aktres kundi pang-Hollywood pa.
“Bagay din naman sina Coco at Liza. Kung si Coco ang idolo ng karamihan sa mga young actors si Liza naman ang super idolo ng mga dalagitang artista mapa-Kapamilya man o Kapuso. Kumbaga, pareho silang dalawa na ginagaya ngayon ng mga kabataan,” sey pa ng source namin. (JIMI ESCALA)