Hiniling na ng Land Transportation Office (LTO) sa isang siklistang biktima ng road rage incident sa Marikina kamakailan na maghain ng reklamo laban sa suspek na driver ng sports utility vehicle (SUV).
Ito ay kasunod na rin ng inilabas na show cause order (SCO) laban sa driver at may-ari ng SUV.
Inimbitahan na rin ang biktimang rider na magtungo sa LTO-National Capital Region (NCR) at iharap ang notarized written complaint at iba pang dagdag na dokumento bilang bahagi ng imbestigasyon ng ahensya.
Ayon naman kay LTO chief Vigor Mendoza II, pinagsusumite nila ng notarized affidavit ang driver at may-ari ng SUV kung saan pinagpapaliwanag kung bakit hindi sila dapat managot sa patung-patong na kaso.
“Agad na pag-aksyon ang ginawa ng LTO dahil gusto nating maresolba kaagad ang kaso, lalo na ang mga insidenteng may kinalaman sa road safety. Under my leadership, the LTO will not tolerate any forms of altercation and road rage incidents,” dagdag pa ng hepe ng LTO.