Lumakas pa ang Tropical Storm Jenny habang patuloy itong kumikilos pa-northwest sa Philippine Sea, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo ng umaga, Oktubre 1.
Sa tala ng PAGASA kaninang 5:00 ng umaga, huling namataan ang sentro ng Tropical Storm Jenny 835 kilometro ang layo sa silangan ng Central Luzon, na may lakas ng hanging aabot sa 85 kilometers per hour at pagbugsong 105 kilometers per hour.
Kumikilos ito pa-northwest sa bilis na 20 kilometers per hour.
Ayon sa PAGASA, nagpapakita ang kasalukuyang scenario na posibleng magtaas ng Tropical Cyclone Wind Signals sa Extreme Northern Luzon mamayang gabi sa bukas ng Martes, Oktubre 2.
“However, the hoisting may happen earlier should there be changes in the forecast scenario,” saad ng PAGASA.
Sa ngayon ay wala pa umanong direktang epekto ang Tropical Storm Jenny sa bansa. Ngunit dahil umano sa proximity ng track forecast sa Extreme Northern Luzon, maaaring magkaroon ng mga heavy rainfall sa Batanes, Babuyan Islands at sa northern portions ng mainland Cagayan, Apayao, at Ilocos Norte pagsapit ng Miyerkules, Oktubre 4, o ng Huwebes, Oktubre 5.
Maaari rin umanong palakasin ng bagyo ang southwest monsoon o habagat, na magreresulta sa posibleng mga pag-ulan sa Palawan at Occidental Mindoro sa mga susunod na tatlong araw.
Inaasahan namang patuloy na lalakas ang bagyong Jenny at maaari umano itong itaas sa severe tropical storm category ngayong Linggo.
Inihayag din ng PAGASA na posibleng itaas sa typhoon category ang bagyo bukas ng gabi, Lunes, Oktubre 2, o sa Martes, Oktubre 3.