Bumaba ang porsyento ng mga opinyon ng mga Pilipino na “pro” o pumapanig sa administrasyon habang tumaas naman ang mga opinyon na “anti” o laban dito, ayon sa Pahayag 2023 Third Quarter Survey ng Publicus Asia.
Base sa Pahayag 2023 Third Quarter Survey na inilabas nitong Huwebes, Setyembre 28, kapansin-pansin umano ang pagbaba ng “pro-administration” na mga sentimyento, mula sa 48% noong ikalawang quarter ay naging 43% na lamang daw ito nitong ikatlong quarter ng taon.
“This decrease indicates that fewer individuals are aligned with the current administration as well as its priorities compared to the previous quarter,” anang Publicus Asia.
Samantala, nagkaroon umano ng pagtaas ng bilang ng opinyon ng mga Pinoy na “anti-administration.” Mula sa 18% noong first quarter, naging 23% na raw ito pagsapit ng third quarter ng 2023.
“This shift indicates that a greater number of respondents are expressing opposition or dissatisfaction with the administration’s leadership. The consistent growth of Anti-Administration sentiment quarter by quarter suggests an ongoing trend of increased dissatisfaction,” pahayag ng Publicus Asia.
“However, these shifts do not appear to have an observable impact on the leanings towards opposition,” saad pa nito.
Isinagawa umano ang naturang non-commissioned survey mula Setyembre 7 hanggang 12, 2023.