Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pamamahagi ng puslit na bigas sa Dinagat Islands nitong Biyernes, Setyembre 29.
Isinagawa ang distribusyon ng 1,000 smuggled na bigas sa Barangay Cuarinta, San Jose, ayon sa social media post ng Presidential Communications Office (PCO).
Ang ipinamigay na bigas ay bahagi ng 42,180 sako ng bigas na nakumpiska ng Bureau of Customs sa ikinasang pagsalakay sa isang bodega sa Zamboanga City kamakailan.
Bago nagtungo sa naturang isla, namahagi muna ang Pangulo ng 2,265 sako ng smuggled ng bigas sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Siargao Island.
Binigyang-diin naman ng punong ehekutibo na bahagi lamang ito ng hakbang ng gobyerno upang maging maayos ang daloy ng produkto at paglutas sa problema sa suplay at presyo ng bigas sa bansa.