Muling nanguna ang Ateneo de Manila University sa mga unibersidad sa Pilipinas na pasok sa listahan ng Times Higher Education (THE) World University Rankings 2024.
Sa ulat ng THE, nasa bracket ng 1001-1200 ang Ateneo matapos itong magkaroon ng 28.3-32.6 overall score.
Pumangalawa naman sa mga unibersidad sa bansa na kasama sa THE World Rankings 2024 ang University of the Philippines (UP) na nasa 1201-1500 ranking at may 22.8-28.2 overall score.
Kasama rin sa listahan ang De La Salle University at ang University of Santo Tomas na kapwa nasa 1501+ ang ranking at may overall score umano na 9.7-22.7.
Kung ikukumpara naman sa naging resulta noong nakaraang taon, makikitang bumaba ang ranking ng mga unibersidad sa bansa, tulad ng Ateneo, na dating nasa 351-400 ang ranking, at ng UP, na dati namang nasa 801-1000 brackets.
Ito ay matapos magkaroon ng bagong metodolohiya ang THE para sa edisyon ng 2024.
“The table is based on our new WUR 3.0 methodology, which includes 18 carefully calibrated performance indicators that measure an institution’s performance across five areas: teaching, research environment, research quality, industry, and international outlook,” paliwanag ng THE.
“This year’s ranking analysed more than 134 million citations across 16.5 million research publications and included survey responses from 68,402 scholars globally. Overall, we collected 411,789 datapoints from more than 2,673 institutions that submitted data,” dagdag pa nito.
Nasa 1,904 mga unibersidad sa 108 mga bansa at rehiyon naman umano ang kanilang sinukat para sa THE World University Rankings 2024.