Nasa 21 bagong cardinal ang nakatakdang hirangin ni Pope Francis sa gaganaping consistory sa Vatican sa Setyembre 30, Sabado, oras sa Roma.
Ayon kay Fr. Gregory Gaston, rector ng Pontificio Collegio Filippino ang mga hinihirang na kardinal ay karaniwang mga arsobispo sa malalaking bayan, o arkidiyosesis.
Dagdag niya, “Ibig sabihin ‘yung ating Santo Papa ay maggagawa o magni-name ng mga bagong cardinal para sa ating simbahan, kung hindi ako nagkakamali mga 21 ‘yata ang bagong cardinal.”
Matatandaang Hulyo, 2023, nang i-anunsyo ni Pope Francis ang pagsasagawa ng consistory para sa paglikha ng mga bagong prinsipe ng simbahan kung saan 18 sa mga itatalaga ay mga voting cardinals o wala pang 80 taong gulang.
Nabatid na ito na ang ikasiyam na consistory na isinagawa ni Pope Francis simula ng maihalal bilang Santo Papa noong 2013.
Sinabi ni Fr. Gaston na inanyayahan din ng Santo Papa Francisco ang lahat ng cardinal ng simbahan sa buong mundo para sa gaganaping consistory-o ang pagpupulong ng College of Cardinals.
Sa Pilipinas, may dalawang aktibong cardinal kabilang na si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula at Pro-prefect ng Dicastery for Evangelization na si Cardinal Luis Antonio Tagle na dati ring naging arsobispo ng Maynila.
Bukod sa kanila, may dalawa pang kardinal ang bansa na sina Manila Archbishop-emeritus Gaudencio Cardinal Rosales, at Cagayan de Oro Archbishop-emeritus Orlando Cardinal Quevedo.
Si Cardinal Advincula ang pinakahuling Filipinong cardinal na itinalaga ni Pope Francis noong 2020.