Inaasahang magdudulot ng mga kalat-kalat na pag-ulan ang trough ng low pressure area (LPA) at southwest monsoon o habagat sa ilang bahagi ng bansa ngayong Huwebes, Setyembre 28, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa Public Weather Forecast ng PAGASA dakong 4:00 ng umaga, inihayag ni Weather Specialist Patrick Del Mundo na dalawang LPA ang binabantayan nito sa loob at labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
Huli umanong namataan ang LPA sa loob ng PAR 800 kilometro ang layo sa silangan ng Extreme Northern Luzon, habang huling namataan ang LPA sa labas ng PAR 1,850 kilometro ang layo sa silangan ng Southern Luzon.
Ayon kay Del Mundo, posibleng maging bagyo ang LPA sa labas ng PAR sa susunod na mga araw, habang maaari naman umanong mawala
“Itong low pressure area sa labas ng PAR ay hindi natin inaalis ang possibilty na maging isang bagyo within the next days, kaya naman patuloy natin itong babantayan” saad ni Del Mundo.
“Ang low pressure area naman sa loob ng PAR ay posibleng mag-dissipate within the day kaya naman sa susunod na mga oras ay wala naman itong magiging direktang epekto sa anumang bahagi ng ating bansa,” saad pa niya.
Gayunpaman, inaasahan umanong magdulot ang trough ng LPA ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caraga at Davao Region.
Maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms din ang posibleng maranasan sa northern portion ng Palawan dahil naman sa habagat.
Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.
Samantala, inaasahang makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na may tiyansa ng isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa habagat o localized thunderstorms.
Maaari rin umano magkaroon ng pagbaha o pagguho ng lupa rito tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.