Inihayag ng Professional Regulation Commission (PRC) nitong Lunes, Setyembre 25, na 56.75% o 3,878 sa 6,833 examinees ang nakapasa sa September 2023 Social Worker Licensure Examination.
Sa inilabas na resulta ng PRC, kinilala si Patricia Marie Regalado Imperial mula sa University of the Philippines – Diliman bilang topnotcher matapos siyang makakuha ng 88.60% score.
Hinirang naman bilang top performing school ang CARAGA State University – Butuan City, Leyte Normal University, University of the Philippines – Diliman, at Southern Christian College matapos makakuha ang mga ito ng 100% passing rate.
Isinagawa umano ang naturang pagsusulit mula Setyembre 18 hanggang 20, 2023 sa mga testing center sa National Capital Region (NCR), Baguio, Butuan, Cagayan de Oro, Calapan, Cebu, Davao, Iloilo, Koronadal, Legazpi, Lucena, Pagadian, Pampanga, Rosales, Tacloban, Tuguegarao, Zamboanga, Kidapawan, at Palawan.
Ayon pa sa PRC, nakatakdang maganap ang online appointments para sa issuance ng Professional Identification Card (ID) at Certificate of Registration sa Oktubre 25 hanggang 27 at Oktubre 30 hanggang 31, 2023.