Dalawang taga-Metro Manila ang sabay na naging milyonaryo matapos na sabay nilang mapanalunan ang jackpot prizes ng GrandLotto 6/55 at MegaLotto 6/45 na parehong binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Lunes ng gabi.
Sa abiso ng PCSO nitong Martes, nabatid na isang taga-Central Signal, Taguig City ang nagwagi ng ₱29.7 milyong jackpot prize ng GrandLotto 6/55 matapos na matagumpay na mahulaan ang six-digit winning combination na 11-17-28-06-09-01.

Samantala, taga-Novaliches, Quezon City naman ang nagwagi ng ₱8,910,000 na jackpot prize ng MegaLotto 6/45 matapos na matagumpay na mahulaan ang sox-digit winning combination na 22-08-20-02-01-45.

Ayon kay PCSO General Manager Melquiades Robles, upang makubra ang kanilang premyo ay kinakailangan lamang ng mga lucky winners na magtungo sa PCSO main office sa Mandaluyong City.
Kailangan din umano nilang iprisinta ang kanilang winning tickets at dalawang balidong IDs.
Pinaalalahanan din naman ni Robles ang mga nanalo na ang mga premyong hindi makukubra sa loob ng isang taon matapos ang araw ng pagbola dito ay awtomatikong mapo-forfeit at magiging bahagi ng Charity Fund.
Sa ilalim naman ng TRAIN Law, ang lahat ng premyong lampas ng ₱10, 000 ay papatawan ng 20% buwis.
Hinikayat din naman niya ang publiko na patuloy na tangkilikin ang mga PCSO games, partikular na ang lotto, upang magkaroon na ng pagkakataong maging susunod na milyonaryo ay makatulong pa sa kawanggawa.
Ang GrandLotto 6/55 ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado, habang ang MegaLotto 6/45 ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes