Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng 74 rockfall events sa Bulkang Mayon sa Albay sa nakalipas na 24 oras.
Sa tala ng Phivolcs, naobserbahan ang naturang pag-aalburoto ng bulkan dakong 5:00 ng madaling araw nitong Lunes, Hunyo 5, hanggang 5:00 ng madaling araw nitong Biyernes, Hunyo 6.
Bukod dito, naiulat din ngayong araw ang pagkakaroon ng katamtamang pagsingaw ng usok mula sa bunganga ng bulkan na may taas na 200 metro patungo sa kanluran-timog-kanluran.
Samantala, nasa 208 tonelada ng sulfur dioxide kada araw na ang ibinuga nito mula nitong Lunes.
Wala naman umanong crater glow o banaag ngunit nananatili pa rin ang pamamaga ng Bulkang Mayon.
Ayon sa Phivolcs, maaaring maganap ang biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions dahil dito. Posible rin umano ang rockfall mula sa tuktok ng bulkan maging ang pagdaloy ng lahar kung magkakaroon man ng matinding pag-ulan.
Kaya naman, mariing ipinagbabawal sa publiko ang pagpasok sa anim na kilometrong (6 km) radius sa Permanent Danger Zone maging ang pagpapalipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan.
Matatandaang itinaas ng Phivolcs nitong Lunes ng umaga ang status ng Bulkan Mayon sa Alert Level 2.
MAKI-BALITA: Bulkang Mayon, itinaas sa Alert Level 2