Kinumpirma ng Vatican na tinamaan ng lagnat si Pope Francis na naging dahilan ng pagbakante ng kaniyang iskedyul nitong Biyernes ng umaga, Mayo 26, halos dalawang buwan matapos siyang maospital dahil sa bronchitis.
Sa ulat ng Agence France-Presse, ibinahagi ni Vatican spokesman Matteo Bruni hindi tumanggap ng panauhin si Pope Francis, 86, dahil nialalagnat ito.
Sinabi naman ni Vatican Secretary of State Pietro Parolin sa Italian news agencies na maaaring napagod ang pope sa kaniyang busy schedule kaya siya nilagnat.
Nagkaroon umano ng walong meeting si Pope Francis noong Huwebes, Mayo 25.
“Probably at a certain point the resistence breaks down,” ani Parolin na inulat ng AFP.
Matatandaang dinala si Pope Francis, 86, sa isang ospital sa Rome noong Marso 29 dahil may mga pagkakataon umanong nahihirapan siyang huminga.
MAKI-BALITA: Pope Francis, dinala sa ospital dahil sa respiratory infection
Nakalabas sa ospital ang pope noong Abril 1 matapos ang tatlong araw niyang paggagamot ng antibiotics para sa kaniyang bronchitis.
MAKI-BALITA: Pope Francis, nakalabas na sa ospital: ‘I am still alive’
Matatandaang naospital din nang 10 araw si Pope Francis noong Hulyo 2021 dahil sumailalim umano siya sa colon surgery.
Nakaranas din ang pope ng pananakit ng tuhod, na siyang dahilan kaya napilitan siyang gumamit ng wheelchair.