Iginiit ni Negros Oriental 3rd district Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. na napilitan lamang ang ilan sa kaniyang mga kasamahan sa Kongreso na bumoto laban sa kaniya sa plenaryo noong Marso, na nagresulta sa kaniyang 60 raw na suspensyon.
Sa isang virtual press conference nitong Huwebes, Mayo 25, inalala ni Teves ang pakikipag-usap umano niya sa telepono kasama si House Committee on Ethics and Privileges Chairman at COOP-NATCCO Party-list Rep. Felimon Espares.
Sa tawag sa telepono, kinuwestiyon ni Teves ang sinabi ni Espares na ang pagbibigay ng 60-araw na suspensyon ay isang “collegial decision.”
Matatandaang ipinakita ng mga tala ng Kamara na ang March 22 nominal vote ay unanimous para sa dalawang buwang suspensyon ni Teves na inirekomenda ng ethics panel.
“Bakit sinabi mo collegial? Alam ko naman na may mga umangal dyan,” ani Teves, na umalis ng bansa noong Pebrero 28.
“Hindi ko lang pwede banggitin dito but there were a few congressmen na umangal doon sa committee. But in fact, napilitan lang sila bumoto pa rin. Pero syempre walang magawa yung tao eh kawawa naman di ba,” dagdag niya.
Noong Marso 22, may kabuuang 292 miyembro ng Kamara ang bumoto pabor sa 60-araw na suspensyon kay Teves, na sinabi ng ethics panel na para sa kaniyang “disorderly behavior.” Walang nangyaring mga negatibong boto o abstention sa naturang botohan.
“Pinilit lang sila na bumoto para lang maging unanimous, magandang tingnan ‘yung kunwari lahat gusto na masuspend ako,” ani Teves.
“Kung inutusan lang kayo ng Speaker na ito ang gawin,” saad pa niya.
Natapos ang suspensyon ni Teves noong Mayo 22. Pero itinuring niya pa rin itong “unfair” at “illegal”.
Sinampahan ng kasong murder si Teves ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng pagpaslang umano kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Marso 4.
Aniya, tumanggi siyang umuwi ng Pilipinas dahil sa seryosong banta sa kaniyang buhay.
Itinuturing si Teves na absent nang walang opisyal na pahintulot ng Kamara.
Maaaring magrekomenda ang ethics committee ng isa pang parusa laban kay Teves, depende kung pisikal na siyang haharap sa mga pagdinig ng panel o hindi.
Ellson Quismorio