Isinailalim ang City of Manila sa blue alert nitong Biyernes, Mayo 26, upang paghandaan umano ang posibleng malakas na hangin at pag-ulan sa pagdating ng Super Typhoon Mawar o Bagyong Betty.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang mga lungsod na nasa ilalim ng blue alert ay maaaring magdulot ng kaunting banta sa buhay at pinsala sa mga kabahayan.
Maaari rin umano itong magdulot ng pagkatumba ng maliliit na puno at ng kaunting abala sa pampublikong transportasyon.
Sa pahayag ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC), ibinahagi nitong naghahanda na ang mga rescuer at mga kagamitan para sa kaligtasan ng bawat indibidwal sa inaasahang pananalasa umano ng bagyo.
“Inaabisuhan namin ang publiko na manatiling nakasubaybay sa lahat ng balita na manggagaling lamang sa lehitimong ahensiya ng siyudad at ng national government,” anang (Manila DRRMC).
“Para sa kahit na anong emergency, mangyayaring tumawag sa aming hotline +63932-662-2322 / 8568-6909,” dagdag nito.
Sa tala ng PAGASA, inaasahang makapasok ang naturang bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) nitong Biyernes ng gabi o Sabado ng umaga, Mayo 27.