Inaresto ng Las Piñas police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang magkapatid na sangkot umano sa iligal na droga sa isinagawang buy-bust operation nitong Miyerkules, Mayo 24.
Kinilala ng Southern Police District (SPD) ang mga suspek na sina Alvin Flores, 33, alyas “Tol,” at Rosalyn, 40.
Sinabi ni Col. Jaime Santos, city police chief, na naaresto ang mga suspek dakong 11:30 ng gabi sa Avocado Street, Barangay CAA, FB International, Las Piñas City.
Dagdag pa ni Santos, nagsagawa ng operasyon ang SDEU dahil sa reklamong natatanggap ng pulisya mula sa mga concerned citizens hinggil sa illegal drugs trading ng magkapatid.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 29 gramo ng umano’y shabu na may halagang P197,200 at P300 buy-bust money.
Kasalukuyang nakapiit sa police custodial facility ang mga suspek at mahaharap sa kasong illegal possession of drugs.