Nasamsam sa mag-live-in partner ang nasa kabuuang P2,720,000 halaga ng umano’y shabu sa Malate, Maynila nitong Miyerkules, Mayo 24.
Kinilala ng Manila Police District (MPD) ang mga suspek na sina Caironisah Esmail, 42, at kaniyang live-in partner na si Abul Panandigan, 32, pawang residente ng Quiapo, Maynila.
Ayon sa police report, inaresto ang magkasintahan sa Madre Ignacia Street malapit sa Quirino Avenue, Malate, Maynila dakong 11:05 ng gabi.
Narekober sa mga suspek ang walong plastic sachets na naglalaman ng nasa 400 gramo ng pinaghihinalaang shabu.
Mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga naarestong suspek.
Dagdag pa ng pulisya, mahaharap pa sa isa pang kasong paglabag sa Section 5 ng RA 9165 si Esmail.
Diann Ivy Calucin