Sinabi ng National Water Resources Board (NWRB) nitong Huwebes, Mayo 4, na mahigpit nitong binabantayan ang Angat Dam matapos itaas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang El Niño Alert.
Sinabi ni NWRB Executive Director Dr. Sevillo David Jr. sa isang panayam na ang lebel ng tubig sa Angat Dam ay nasa 194.4 metro noong Huwebes, Mayo 4, na nasa itaas pa rin sa minimum operating level.
Gayunpaman, sinabi niya na mas mahigpit ang monitoring sa Angat Dam mula nang magtaas ang PAGASA ng El Niño Alert.
“Dahil po may panggamba po ng El Niño, kailangan po nating paghandaan at i-monitor ang developments dito sa Angat Dam kasi kailangan po nating tingnan kung gaano karaming tubig ang pumapasok o papasok sa buwan ng El Niño,” ani David.
Itinaas ng PAGASA ang status ng El Niño Alert dahil inaasahan nitong magsisimula ang phenomenon sa mga susunod na buwan simula sa Hunyo.
Iniulat din ng PAGASA na nasa 10 hanggang 14 na bagyo ang maaaring pumasok mula Mayo hanggang Oktubre ngayong taon habang patuloy ang pag-ulan dahil sa epekto ng habagat sa parehong panahon.
Makakatulong ang mga ito upang mapataas ang antas ng tubig sa mga dam, ayon kay David.
Hiniling ng NWRB sa publiko na mag-imbak ng tubig-ulan mula sa mga bagyo at habagat sa mga buwan na mararanasan ang El Niño.
Tiniyak ng NWRB na sa tulong ng iba pang sektor sa ilalim ng El Niño Team, sisikapin nilang gumawa ng mga plano para matugunan ang pangangailangan ng publiko sa gitna ng El Niño.
“Ating tinitingnan ang pag re-reactivate ng mga deep well at ‘yung mga treatment facility ay nakahanda na po ngayon, baka sakaling mangailangan ng karagdagang tubig bukod sa Angat Dam ay nakahanda na po ang mga ito,” dagdag ni David.
Nicole Magmanlac