Natimbog ng National Bureau of Investigation (NBI)-Task Force Against Illegal Drugs ang isang Syrian na nagsu-supply umano ng iligal na droga sa Metro Manila sa ikinasang operasyon sa Mandaluyong City kamakailan.
Ang suspek ay kinilala ng NBI na si Mhd Alaadin Qwiader, alyas Alaa Qweider.
Dinakip si Qwiader batay na rin sa search warrant na inilabas ng hukuman.
Sa pahayag ng NBI, si Qwiader ay nagsu-supply umano ng cocaine, kush o high-marijuana at ecstasy sa mga high-end bar sa Makati sa iba pang lugar sa Metro Manila.
Tinatayang-aabot sa ₱32 milyong halaga ng iligal na droga ang nakumpiska sa suspek.
Nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act 2002 ang suspek na nasa kustodiya na ng NBI.