Isang babaeng claimant ng isang padalang naglalaman ng shabu mula sa New Delhi, India ang inaresto ng Bureau of Customs (BOC) sa Pasay City nitong Huwebes, Marso 23.
Sa Facebook post ng ahensya, hindi na binanggit ang pagkakakilanlan ng suspek na nahaharap na sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 (Comprehensive Drugs Act of 2002), at RA 10863 (Customs Modernization And Tariff Act CMTA).
Kamakailan, dumating sa bansa ang nasabing padalang unang idineklara bilang “universal engine” at idiniretso ito sa Central Mail Exchange Center, Pasay City.
Gayunman, napansin ng X-ray inspection project inspector ang kahina-hinalang laman ng package nang isailalim sa intensive regular x-ray screening.
Nang buksan ang package sa harap ng babaeng consignee, natuklasan ang laman nitong illegal drugs.
Hindi na nakapalag ng suspek nang arestuhin ng mga tauhan ng Customs Anti-illegal Drug Task Force, Customs Intelligence and Investigation Service, Enforcement and Security Service, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).