Pagkakalooban ng Commission on Elections (Comelec) ng mas mataas na honoraria ang mga guro na magdu-duty sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) na gaganapin sa Oktubre 30, 2023.
Ito ang tiniyak ni Comelec Chairman George Garcia at sinabing mula sa dating ₱4,000 hanggang ₱6,000 na honoraria, ay itataas ito at gagawing ₱8,000 hanggang ₱10,000.
Dahil dito, magiging kapareho na ito ng halaga ng honoraria ng mga gurong nagsisilbi sa automated elections.
Aniya, pinag-aaralan na rin nila kung kayang maibigay ng mas maaga ang honoraria ng mga guro, gaya ng hiling ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte.
Paglilinaw nito, depende pa rin ito kung papayagan sila ng Commission on Audit (COA).
Sakali naman aniyang matuloy ang paghahalal ng delegado para sa constitutional convention, tatanggap pa ang mga guro ng dagdag na ₱2,000 na allowance.