Natimbog ang isang Turkish matapos dumating sa bansa na may bitbit na ₱28.8 milyong halaga ng cocaine nitong Martes.
Hindi na isinapubliko ng Bureau of Customs (BOC) ang pagkakakilanlan ng dayuhan na dumating sa Ninoy Aquino International Airport, Terminal 3, Pasay City nitong Marso 21, sakay ng Emirates Airlines flight number EK 332.
Dahil nakaalerto ang mga tauhan ng BOC Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), kaagad na inaresto ang banyaga matapos madiskubre sa kanyang bagahe ang illegal drugs.
Nasa 3,945 gramo ng cocaine na nakasiksik sa mga sabong pampaligo, at 1,500 ml ng liquid cocaine ang nasamsam sa suspek.
Nahaharap na sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Drugs Act of 2002) at Republic Act 10863 (Customs Modernization And Tariff Act) ang suspek.