Ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang reklamo laban kay Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves, Jr. kaugnay sa pag-iingat umano nito ng mga iligal na baril, bala at pampasabog.
Sa ruling ni Prosecutor Victor Dalanao, Jr., hindi akmang isailalim sa inquest proceedings ang reklamo laban sa kongresista dahil hindi naman ito inaresto nang ipatupad ang search warrant.
Ang reklamo ay isinampa ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) kasunod ng pagsalakay sa mga bahay ni Teves sa Purok 4, Barangay Poblacion, Basay, Negros Oriental nitong Marso 7.
“Considering that there is not enough evidence to proceed to a regular preliminary investigation with regard to him, the complaint against respondent Teves is dismissed,” dagdag pa ni Dalanao.
Matatandaang nasamsam sa nasabing police operation ang isang Cal. 45 pistol, isang magazine, dalawang .40 caliber pistol at isang magazine, isang rifle scope, isang granada at mga bala ng .45 at .40 caliber pistol.