Pinaghahandaan na ng gobyerno ang posibleng pagtama ng tinatawag na “The Big One” o 7.2-magnitude na pagyanig na makaaapekto sa mga istraktura sa ibabaw ng 100 kilometrong West Valley Fault.
Ito ay nang magsagawa ng aerial inspection si Office of Civil Defense (OCD) administrator Ariel Nepomuceno sa West Valley Fault mula Bulacan hanggang Laguna, nitong Biyernes, Marso 17.
Kasama ni Nepomuceno sa inspeksyon si Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) geologist Jeffrey Perez.
Paliwanag ni Nepomuceno, layunin ng kanilang hakbang na matukoy ang mga lugar at critical structures na nasa ibabaw ng naturang danger zone.
Saklaw ng nabanggit na fault line ang Taguig, Muntinlupa, Quezon City, Parañaque City, Pasig, Makati at Marikina sa Metro Manila, Rizal, Laguna, Cavite at Bulacan.
Nauna nang inihayag ng mga eksperto, posibleng magdulot ng matinding pinsala sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan kapag tumama ang nasabing malakas na pagyanig.
Sa pag-aaral ng Phivolcs, uuga lamang ang nasabing West Valley Fault kada 200 hanggang 400 taon at huling naramdaman ito noong 1658 o 360 taon na ang nakararaan.
Matatandaang huling naramdaman ang pinakamalakas na lindol sa bansa noong Hulyo 16, 1990 na ikinamatay ng halos 1,700 katao sa Central Luzon at Cordillera region.
Lumikha rin ito ng 125 kilometrong pagbuka ng lupa mula Dingalan, Aurora hanggang Kayapa, Nueva Vizcaya.