Kinumpirma ni House Committee on Public Order and Safety Chairperson Dan Fernandez nitong Lunes, Marso 13, na kanselado muna ang kanilang nakatakdang pagdinig hinggil sa hindi pag-duty ng karamihan sa mga police escorts ni Negros Oriental Governor Roel Degamo noong araw na siya’y paslangin.
Ayon kay Fernandez, kakanselahin muna ang nakatakdang pagdinig sa Martes, Marso 14, bilang paggalang na rin sa kasalukuyang gumuguling na imbestigasyon ng Department of Justice sa nasabing kaso.
“In deference with the ongoing investigation, the Speaker [Martin Romualdez] deem[ed] it right to cancel the hearing tom[orrow],” ani Fernandez.
Matatandaang ibinahagi ni Romualdez kamakailan ang kahina-hinala umanong hindi pag-duty ng lima sa anim Philippine National Police (PNP) escorts ng gobernador noong araw na maganap ang krimen noong Marso 4.
BASAHIN: Romualdez, paiimbestigahan bodyguards na off-duty nang paslangin si Degamo
Pinagbabaril noong Marso 4 ng mga armadong lalaki si Degamo sa harap ng kaniyang bahay sa Barangay San Isidro, Sto. Nuebe, Pamplona, Negros Oriental habang nakikipag-usap sa ilang benepisyaryo ng 4Ps. Bukod sa gobernador, walo pang nadamay sa ambush ang nasawi.