Kinaantigan ng netizens ang viral vlog ng content creator na si Adam Alejo, kung saan 30 days siyang nasa loob ng isang malaking QR Code Box. Ang layunin ng panibagong challenge na ito ay makalikom ng perang ibibigay niya sa mga batang lumalaban sa sakit na cancer.
“Ngayong araw nagsimula ang pinakamalaking project ng career ko bilang isang content creator. 30 days sa loob ng isang QR code box, habang umiikot sa Pilipinas, para makalikom ng 1 million pesos para sa mga batang may cancer. Hindi lang ito basta content na gagawin natin, this project was made para buhayin ang spirit ng bayanihan sa ating mga Pilipino,” caption niya sa kaniyang Facebook post noong Pebrero 15.
Sa likod ng sasakyang pinangalanan niyang “Tzukoy,” dito niya pinagawa ang malaking QR code box kung saan makukulong siya ng 30 araw. Diskarte na rin ng vlogger, kung paano siya matulog, kumain, at maligo sa loob ng box. Tanging kasama lang nito sa box ay ang boses ni “Bossing” na magbibigay sa kaniya ng instructions.
Samantala, ang kaibigan naman ni Adam ang mag-update kung magkano na ang nalikom nilang donasyon. At sa Day 9 ng nasabing challenge, umabot na sa mahigit ₱150k ang nalikom nilang pera.
Sa journey ng ”challenge” ng vlogger, may mga ilang influencer ang sumuporta at mayroon ding nag-perform para mas mabilis nilang mabuo ang goal na ₱1 million pesos.
Kasama sa bumuo ng challenge na ito ay ang kaniyang tatay na si Melvin Alejo, mga kaibigang sina: Tristan, Jonash, Robert, Ramon, Ezekiel, Maxie at Slengbalu at iba pa.
Pinasalamatan naman ni Adam ang mga netizens dahil sa solidong suportang natanggap nito sa kaniyang challenge. Sa katunayan, hindi ito ang unang beses na ginawa ito ng vlogger, ang ganitong “challenge with a purpose.”
BASAHIN: https://balita.net.ph/2022/02/05/vlogger-nakalikom-ng-p100k-dahil-sa-isang-challenge-ipinang-donate-sa-nasalanta-ng-bagyo/