Sa dami ng mga nagsulputang content creators ngayon sa social media, mabibilang lang ang maituturing na dekalidad at makabuluhan pagdating sa tema, produksyon at ang pinakamabigat sa lahat, ang mga motibasyon ng content na kalauna’y may malaking papel sa kabuuang naiimpluwensyahang audience online.
Bagaman patuloy pa ring mabenta ang mga patok na prank, kaliwa’t kanang challenge na sabay sa uso, at ang paborito ng lahat na drama sa pagitan ng malalaking online influencers, nakakalungkot isipin na malaking bahagi pa rin ng online community sa bansa ang umiikot sa mga content creator ng mga nabanggit na katangian.
Meron pa rin naman kung sa meron. Gayunpaman, mabibilang lang sa bawat may kamalayan at responsableng konsyumer ng social media ang mga sinusundang influencer na ikanga’y completos recados ang mga katangian ng content: kapupulutan ng aral, may pagpapahalaga sa politikal na kamalayan, at nagbibigay-aliw na galing sa sensitibong intensyon ng isang content creator.
Hindi na kataka-taka na marami pa rin ang nae-engganyo sa content creation industry. Malawak ang parehong oportunidad at posibilidad sa industriya na napatunayan na ng mga matagumpay na content creators kung saan may dalawang porma lang ang kinahantungan sa dulo: naging inspirasyon sa kanilang malawak na impluwensya o naging dagdag na kontribyutor lang sa pagkalugmok ng positibong potensyal ng social media sa lipunan.
Sa puntong ito, malinaw ang panawagan ng lathain na ito sa nasa industriya na at maging sa papasok pa lang na malaking gampanin ang inaako ng bawat content sa kabuuang online community na nagsisimula sa responsableng kamalayan ng isang creator.
Kaya ang malaking katanungan—kung papasukin ang mundo ang mawalak na industriya, paano nga ba magiging kabahagi ng komunidad ng nontoxic content creators?
Kagaya ng nabanggit, ang motibasyon sa paggawa ng content ang pinakamahalagang bahaging may kontrol sa kalalabasan ng isang content.
Lente ng isang small-time vlogger
Para sa small-time vlogger, full-time employer at masugid na biyaherong si Sharina Janine, 28, ang pundasyon sa karakter ng isang tao ang sikreto rito.
“I started vlogging nung may bumaha sa Makati. So I live in Makati and then bumaha siya. After shift I had to cross yung road tapos sumakay ng kariton para hindi ako mabasa ng baha. What I did was I posted a Facebook live and all of a sudden, naka-public ‘yung Facebook live and ang daming nanuod. So sabi ng mga friends ko sobrang nakakatawa raw ako,” unang pagbabalik-tanaw ni Sharina bago pasukin ang vlogging industry noong 2017.
Sa simpleng motibasyon, dito na nagbukas ang kalauna’y dagdag na interes niya sa industriya na nagpatuloy sa mga idinukumentong biyahe sa loob at labas ng bansa.
“It’s kind of a dairy vlog sa end ko kasi hindi naman nasusulat yung travel and memories but you can record it through video,” aniya na kasalukuyang YouTube-based na mga content.
“Ang content ko kasi ay more on travel, lifestyle, and beauty. [It’s] travel vlogs because kapag binabalikan ko ‘yung vlogs ko, nakikita ko kung saan ako nagsimula from the beginning. Hindi kasi madali ang mag-travel especially solo travel. I want to encourage ‘yung youth, kung sinuman ‘yung mga interested or takot mag-travel for them to give it a try,” sunod na dagdag at paghihikayat ng vlogger.
Kasalukuyang nakakalabintatlong solo travel na si Sharina kung saan ay nalibot na niya ang nasa 37 lalawigan sa bansa. Travel goals kung maituturing na ang unang saksi marahil ay ang kaniyang YouTube channel.
“Iba ‘yung experience kapag nagso-solo travel ka compared sa nagtatravel ka with your friends,” dagdag na paglalarawan ng vlogger sa nakukuhang thrill sa kaniyang mga biyahe.
Laman din ng channel ni Sharina ang ilang rebyu sa mga produkto, at tips na layong makatulong naman sa kaniyang subscribers.
“’Yung tips naman na pino-post ko. Lahat naman talaga ‘pag may kailangan tayo matutunan o malaman o gawin, sa YouTube tayo una pumupunta. Parang for me, I want to share kung saan man ako nahirapan or ano man yung gusto kong malaman personally and then once na alam ko na ang sagot, I post it on my YouTube channel kasi alam kong hindi lang ako yung nagwa-wonder kung paano ba ‘yung isang bagay. So ‘yun talaga yung pinaka-content, laman ng pagba-vlog ko,” paglalarawan pa niya.
Sa kabilang banda, nagsisilbing imbakan ng espesyal na mga okasyon din ang naturang channel ni Sharina na aniya’y babalikan niya paglipas ng panahon.
Pagbalanse sa buhay, trabaho at vlogging
Sa abalang mga ganap ng vlogger kabilang na sa trabaho, personal na buhay, at maya’t mayang pagbiyahe, paano nga ba napagsasabay ni Sharina ang lahat sa iisang buhay. Bumabalik pa rin sa motibasyon ng vlogger ang lahat.
“For me kasi, vlogging is not something na ilo-look forward ko ‘yung kinikita o ma-monetize yung channel. It’s more on something na nagpapasaya sa akin because if you do what you love, you won’t feel naman na pagod ka or napipilitan ka sa isang bagay,” pagbubukas niya.
Dagdag nito, paraan niya rin ang vlogging para bigyang akses ang mga espesyal na tao sa kaniyang buhay sa mga ganap sa kaniyang buhay.
“Even yung mga high school friends ko, mga classmates ko back in college. Syempre ‘di naman lagi kami magkakausap so nakikibalita sila through vlogs,” aniya.
Paglilinaw pa niya, sa loob ng halos anim na taon sa industriya, hindi pa naranasan nito na mapagod sa paggawa ng content.
“I know at the end of the day, I’m doing what I love,” aniya.
Pangarap para sa channel na lapat sa motibasyon ng content creator
Aminado naman si Sharina na may ambisyon siya para sa kaniyang lumalaking online community. Gayunpaman, pawang malinaw na walang pressure ang vlogger sa kaniyang sarili.
“I don’t want to expect too much and put too much pressure on myself. I’m a happy-go-lucky type of person so I upload what I want to upload.
“At the end of the day, I’m not gonna lie gusto ko rin naman na sumikat or gusto ko rin naman na magkaroon ng maraming subscribers. But for me, ayoko siyang minamadali. I know it always takes time in everything so parang kung mag-viral man yung video, thank you. Kung wala man, that’s okay but that will never hinder or stop me from uploading any vlogs na gusto ko,” aniya.
Ang kamalayan ng vlogger sa parehong lawak o sa limitadong abot ng kaniyang channel sa YouTube halimbawa, ay malaking bahagi para hindi mabago at sa halip ay mapanatili pa lalo ang motibasyon ng isang content creator hanggang sa pinakahuli niyang content.
Kung minsan, ilang vloggers na mayroon nang milyun-milyong followers, o subscribers ang nauuwi pa rin sa pagkalihis sa orihinal na motibasyon dahilan para kalauna’y mawala sila sa linya.
Nariyan pa ang ilang aspeto kagaya ng dominante nang trends, viralities, at algorithm ng online platforms kung minsan ay nadidiktahan nito ang mga content creators sa kanilang tema, atake, at motibasyon sa paggawa ng content.
Inspirasyon
Sa bahagi ni Sharina, isang influencer lang ang may malaking impluwensya sa kaniya na naging dagdag motibasyon sa paggawa ng vlogs.
“Si Lloyd Cadena talaga. He was my favorite vlogger ever. I’ve been watching his vlogs since college. Lahat talaga ng mga vlogs na pino-post niya, pinapanuod ko,” proud na pag-flex ni Sharina sa yumao na ngunit isa sa mga pinakanakilalang local vloggers sa bansa.
“The only reason is because know he’s doing what he loves and wala talagang masyadong filter yung mga content niya. Parang kung ano lang yung gusto niya, kung ano lang ang totoong siya, ‘yung talaga yung pinpost niya. It’s not something na parang for the ads, or for the promotion ng isang product but he’s really himself. That’s what I want sa ipakita sa tao. I don’t want to sugarcoat something na parang, ganito ako sa camera but sa totoong buhay hindi naman. So gusto ko sa totoong buhay, kaya yung gusto ko what you see is what you get,” ani Sharina na aminadong tanging si Lloyd lang ang ultimate favorite noon hanggang ngayon, pagdating sa industriya.
Pagpapakatotoo sa sarili
Madaling mabago ng social media ang isang bagay higit lalo ang katauhan ng isang tao. Pagbibigay-punto ni Sharina, mahalaga na napananatili ng isang content ang sariling katotohanan nito sa kaniyang content.
“My vlog is very raw. I don’t put too much editing, too much pressure dun sa pag-eedit ko. Hindi rin naman ako magaling mag-edit kasi I’m only using my phone whenever I edit my vlogs but it’s the rawness kasi kung ano yung napapanuod sa vlog ko, ‘yun talaga ‘yung totoo. Hindi ko siya inuulit para lang makapag-capture ng something na maganda,” mahahalatang impluwensya ng noo’y si Lloyd sa vlogger.
“Very candid ‘yung mga post ko na sa totoong buhay na nakasama mo ako,’ yun talaga. I’m not aiming for something na parang gusto kong gawin sa vlog but that’s just the real me,” dagdag niya.
Liban pa rito, hindi aniya siya nadidiktahan ng analytics o performance ng kaniyang channel at gayunpaman ay masaya siya sa ibinibigay na fulfillment nito sa sarili.
“Yung pinaka-unang maraming nanuod ay ‘yung sa Boracay [travel] ko. The moment na nag-hit ng one thousand views, never ko siyang inepect na, ‘Ay manunuod pala ng ganitong vlog.’ Kasi you will never know what another person, ano ba yung trip nilang panuorin. Then parang hindi ko lang ineexpect na may mga people na na hindi ako kilala at manunuod nun,” aniya.
Dagdag na saya rin para sa vlogger tuwing makatatanggap ng mensahe sa Facebook mula sa avid viewers na nai-inspire niya, partikular na ng kaniyang solo travels.
Payo sa aspiring content creators
“Personally, I don’t want to force someone na mag-vlog kung ‘di talaga nila gusto ‘yun. But if someone is afraid to do vlogging, ‘yung maa-advise ko lang, do not compare yourself with other people because we have different timelines. If you want to post something on YouTube, then go ahead and do it. Just be yourself and do not imitate someone na hindi naman ikaw,” muling pagpupunto niya sa halaga ng pagpapakatotoo sa sarili na kalauna’y maipapakita sa mga content.
“For me, ang hirap ma-maintain ang isang identiy na hindi ka naman talaga ganon in real life so if ang gusto mo lang mangyari is to share your experience in life then post it and vlog it, whatever camera your phone you are using. But do not be someone else. Yun lang. Just be you,” pagtatapos niya.
Sa huli, bagaman sa lente ng isang small-time vlogger nakatuon ang ideya ng lathalain na ito, mahalagang bigyang-diin na sila, sa maraming pagkakataon, ang may tinatamasang kalayaan pagdating sa kanilang content—kalayaan na kadalasa’y hindi na makikita sa mga content creators na tinatamasa na ang milyun-milyong tagasunod.