Nangako ang isang negosyante sa Cagayan de Oro City na ibibigay niya sa mga biktima ng pagbaha sa Mindanao ang bahagi ng napanalunang jackpot sa lotto kamakailan.
“Ipang-puhunan ko ito sa aking business at sa wakas meron na ring budget para sa pagpapakasal namin ng aking fiancé. Pagkakataon ko na po i-share ‘yung biyaya na natanggap ko. Gusto ko po tulungan ‘yung mga binaha po sa amin, lalo na po ‘yung mga taga-Misamis Occidental,” pahayag ng nasabing lotto winner.
Tinamaan ng naturang negosyante ang Grand Lotto 6/55 jackpot na ₱142.5 milyong nitong Enero 7.
Nauna nang inihayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na kinubra na ng nasabing mananaya ang kalahati ng napanalunan nito kamakailan.
“Ginuhit-guhitan ko lang ‘yung mga kursunada kong numbers at sa awa ng Diyos, ibinigay n’ya sa akin ang blessings na ito sa loob ng halos 15 years kong pagtaya sa lotto,” sabi pa nito.
Philippine News Agency