Walong taon na raw ang nakalilipas mula nang humiling at mabigong mabiyayaan ng anak si Imelda Agonsello at kaniyang asawa. Ngunit hindi niya inasahan na sa presensya ng isang aso ay mararanasan niyang maging isang tunay na ina.
Sa panayam ng Balita Online, ikinuwento ni Agonsello na 22-anyos siya nang makasama ang kaniyang asawa. Simula raw noon, gustong-gusto na nilang magkaanak, ngunit ang paghihintay na iyon ay tila nauuwi palagi sa wala.
“Now na 30 na po ako, slowly, parang in-accept na namin na mukhang hindi kami magkaka-baby,” aniya. “So I decided na mag-ampon.”
Marso noong nakaraang taon, nakita raw ni Agonsello sa kapitbahay at kaibigan ang nanganak na aso nito. Doon ay namasdan niya ang isang tutang gumagapang habang tikom pa ang mga mata nito. Nang makita raw niya ito, parang may koneksyon siyang naramdaman kaya hindi na siya nagdalawang-isip na sabihin sa may-ari na aampunin niya ito kapag pwede na. Pumayag naman daw agad ang may-ari.
Pinangalanan ni Agonsello ang aspin na “Pogie”. Noong una raw ay hindi pa payag ang kaniyang asawa dahil baka mag-migrate rin sila at maiwan lamang ang aso. Ngunit dahil sa pagiging malambing at makulit ni Pogie, napamahal na rin ito sa kaniya.
“Now siya na mismo nangungulit na updated dapat sa shots si Pogie para makasama sa’min. At siya pa nagi-spoiled,” natatawang saad niya.
Kuwento pa ni Agonsello, dahil sa hindi nila pagkakaroon ng anak ng kaniyang asawa, dumating na raw sa punto na maghihiwalay na sana sila. Ngunit dahil kay Pogie, bumalik ang dati nilang samahan.
“Kadalasan sa’tin, mag-aalaga ng aso/pusa para magbantay ng bahay nila. May mga iilan naman na mag-aadopt kasi animal lover. Sa case ko, nag-adopt ako kasi may kulang sa’ming mag-asawa,” kuwento niya.
“Pero now, because of Pogie, naging isang pamilya na talaga kami at naging masigla din relationship namin.”
Magmula nang kupkupin nila ang nasabing aso noong Abril 2, naramdaman daw ni Agonsello ang pagiging totoong “mama” habang lumalaki ito. Biro pa niya, para raw talaga siyang nagkaroon ng anak, ‘yun nga lang, hindi sila sa pediatrician pumupunta, kundi sa veterinarian.
“‘Yung pagiging worried mo sa anak mo pag may sakit sila or kahit matamlay lang. ‘Yung isip mo ay nasa kanila tuwing lalabas ka. Nagmamadali kang umuwi kasi alam mong may nag-aantay sa’yo. ‘Yung gigising ka sa umaga kahit ayaw mo pa kasi may papakainin ka pa,” ani Agonsello.
“‘Yun ang mga madalas nagpupuno ng emosyon ng isang Nanay. At dahil kay Pogie, na-experience ko ‘yun.”
–
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!