Niyanig ng magnitude 5.5 na lindol ang bahagi ng Eastern Samar nitong Sabado ng madaling araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sinabi ng Phivolcs, dakong 4:25 ng madaling araw nang maramdaman ang pagyanig 14 kilometro kanluran ng Homonhon Island (Guiuan) Eastern Samar.
Ang pagyanig na dulot ng tectonic o paggalaw ng fault line malapit sa lugar ay lumikha rin ng 80 kilometrong lalim.
Naitala rin ang Intensity IV sa Guiuan, Lawaan, Mercedes, at Salcedo, Eastern Samar; Abuyog, Alangalang, City of Baybay Dulag, Javier, La Paz, Palo, Santa Fe, Tabontabon, Tanauan, at Tolosa sa Leyte; at San Francisco sa Southern Leyte.
Naramdaman din ang Intensity III sa General MacArthur sa Eastern Samar; Babatngon, Barugo, Leyte, Pastrana, at Tunga sa Leyte; at Tacloban City.
Inuga naman ng Intensity II ang Maydolong sa Eastern Samar; Albuera at Ormoc City sa Leyte habang nasa Intensity I naman ang Cebu City.
Sa instrumental intensities ng Phivolcs, naapektuhan ang Quinapondan sa Eastern Samar; Abuyog, City of Baybay, Dulag, at La Paz sa Leyte dahil sa Intensity IV; naitala rin ang Intensity III sa Alangalang, at Albuera sa Leyte; at City of Surigao sa Surigao del Norte; Intensity II sa Talibon sa Bohol; Calubian at Palo sa Leyte; Ormoc City; Marabut sa Samar; City of Maasin sa Southern Leyte habang nasa Intensity I ang Argao, at City of Bogo sa Cebu; Isabel sa Leyte; Rosario, at San Roque sa Northern Samar.
Binalaan din ng Phivolcs ang publiko dahil sa inaasahang aftershocks.