Nasa ₱9.9 bilyong halaga ng illegal drugs ang nakumpiska ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa unang limang buwan nito sa puwesto, ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG).
Sa pahayag ni DILG Secretary Benhur Abalos, ipinagpatuloy lamang ng administrasyon ang naunang kampanya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa iligal na droga sa bansa.
Nakapaloob aniya sa kampanya ng gobyerno ang pagkakaaresto ng 24,159 sangkot sa droga mula Hulyo 1 hanggang Nobyembre 24.
“We will harness the power of the government, communities, youth, schools, churches, the private sector, and every Filipino. We envision a nation in which no life is lost because of drugs,” sabi ng opisyal.
Naitala naman ang 6,200 na nasawi sa anti-drug drive ng nakaraang administrasyon, ayon sa report ng Philippine National Police (PNP).
Sa limang buwan naman ni Marcos sa puwesto, nasa 46 na ang napapatay na drug suspect, ayon na rin sa pahayag ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr.