Guilty!
Ito ang naging hatol ng Sandiganbayan kay dating Quezon City 2nd District Councilor Roderick Paulate kaugnay ng kasong graft at falsification of public documents kaugnay ng pagkakaroon nito ng 30 ‘ghost employees noong 2010.
Sa desisyon ng 7th Division ng anti-graft court, pinatawan si Paulate ng hanggang walong taong pagkakapiit sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act 3019) at tig-anim na taong pagkakakulong naman sa falsification of public documents (9 counts).
Sa kabuuan, aabot sa 62 taon ang itatagal ni Paulate sa kulungan.
Bukod kay Paulate, kasama rin niyang pinatawan ng pagkakakulong ang liaison officer nito na si Vicente Bejamundo na nagsisilbi ring driver nito.
Bukod sa hatol, pinagbawalan na rin ng korte na magtrabaho sa gobyerno si Paulate.
Noong Marso 2019, umabot sa 90 araw ang ipinataw na suspensyon ng korte laban kay Paulate habang dinidinig ang kaso nito.
Sa rekord ng kaso, inakusahan si Paulate na nagbulsa ng P1.109 milyon na sinasabing suweldo ng 30 na ghost employee nito mula Hulyo hanggang Nobyembre 2010.