Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko na magpabakuna at magpa-booster laban sa Covid-19 dahil maraming tao ang inaasahang magdaraos ng mga pagtitipon ngayong Pasko.
“Parating ang Pasko, maraming parties na pupuntahan, may mga gatherings na ang daming tao, reunion ng pamilya, Christmas parties and all, we know that these kinds of event are high risks,” ani DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire sa isang press briefing nitong Biyernes, Nob. 11.
“Kapag high risk na sinasabi natin, nandun ang mas mataas na tyansa na ikaw ay magkakaroon ng sakit,” aniya.
Sinabi ni Vergeire na ang mga bakuna laban sa Covid-19 ay epektibo sa pagprotekta sa mga tao.
Mahalaga ito sa gitna ng pagpapagaan ng mga paghihigpit, partikular na inaprubahan ng gobyerno ang boluntaryong paggamit ng mga face mask sa loob at labas ng bahay, dagdag niya.
“Gusto natin ipaalala sa ating kababayan, we strongly recommend that everybody get vaccine, receive their first booster and second doses para mas protektado sila,” aniya pa.
Pinaalalahanan din ng opisyal ng DOH ang publiko na palaging suriin ang ilang banta at alamin kung dapat silang magsuot ng face mask o hindi.
“Mismo na tayo sa ating mga sarili, magkaroon [ng] informed decision kung kailan tayo pupunta sa pagtitipon na maraming tao. Kailangan alam kung anong preventive measures na gagawin natin,” dagdag niya.
Analou de Vera