Matatandaang ilang beses napansin ng fans ang tila out and proud na mga larawan nina Kapuso young actress Cassy Legaspi at Kapamilya singer Darren Espanto habang magkasama sa isang beach trip, at kamakailang premiere ng isang web series.
Kaya naman, maging ang inang si Carmina Villaroel ay naintriga na sa anak dahilan para diretsahan na nitong tanungin si Cassy.
“So, ano nga ba kayong dalawa?” curious na tanong ng ina sa anak sa nakaraang Nob. 5 episode ng “Sarap Di Ba” sa GMA.
“We’re very close. So I would say bestfriend. Best friend ko siya,” nakangiti lang na tugon ng young actress.
Bagaman bukas ang ina sa maaaring pakikipagrelasyon na si Cassy, aminado itong ayaw pa rin niyang payagan ang anak na pumasok sa serious romantic relationship.
“Ang sabi sa akin ni Cassy, e, wala daw pa sa isip niya ang boyfriend-boyfriend,” anang ina habang ipinunto na prayoridad ngayon ni Cassy ang trabaho at pag-aaral.
Pagkambyo naman ni Carmina, maiintindihan niya ang anak sakaling magka-boyfriend na ito soon.
“Siyempre dumaan ako sa ganun. So I am trying my best to be understanding because pinagdaanan ko yun nung pagkabata ko,” saad ni Carmina.
“Like I said, I trust Cassy, I trust Mavy. So, huwag lang nila i-break yung trust ko.”
Sa hiwalay na panayam noong Setyembre, ito rin ang saloobin ng celebrity mom para sa 21-anyos na anak.
“I always tell my kids that I trust them. I really trust them na sana ‘wag lang talaga nilang sirain kasi pinagkakatiwalaan ko sila. At yun ang importante, gusto kong maging masaya silang mga bata,” aniya.