Aangkat na rin ng isda ang gobyerno upang matiyak na sapat ang suplay nito sa ipinaiiral na closed fishing season sa bansa, ayon sa pahayag ng Department of Agriculture (DA) nitong Biyernes.
Sa panuntunang inilabas ng DA, pinapayagan lang na umangkat ng mga frozen na isdang galunggong, matang-baka, mackerel, bonito, at bilong-bilong mula Nobyembre 2022 hanggang Enero 2023.’
Sinabi ng ahensya na sa closed fishing period, pinagbabawalang mangisda ang malalaking kumpanya sa loob ng tatlong buwan–Nobyembre hanggang Enero.
Nilinaw ng DA na dapat mailabas ang lahat ng import clearance bago mag-Disyembre 15, 2022 at magiging valid sa loob ng 45 araw.
Panawagan naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga importer, magbenta ng imported na isda bago pa magsimula ang fishing season sa Pebrero 2023.