Hindi pa umano nakalalabas ng bansa ang kontrobersyal na nasuspinding hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Gerald Bantag ilang araw matapos kasuhan ng murder, kasama ang limang iba pa, kaugnay sa pagkamatay ng mamamahayag na si Percy Lapid o Percival Mabasa.
Ito ang sinabi ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Miyerkules kasabay ng kanyang panawagang lumantad na ito upang magharap ng counter affidavit sa naturang kaso.
Nitong Lunes, kinasuhan ng murder si Bantag, kasama si National Bilibid Prison Supt. Ricardo Zulueta at apat na iba pang preso hinggil sa pamamaslang kay Lapid.
“I would say so because remember they’re government officials. Hindi ka puwedeng umalis ng Pilipinas kapag wala kang travel authority. Unless they secured passports that did not reflect their true professions,” tugon ni Remulla nang tanungin kung nakalabas na ng bansa si Bantag.
“Sana sumagot sila ng counter affidavit. Huwag sila sa media sasagot. Mag-counter affidavit sila. ‘Yan ang proseso ng batas natin eh. Igalang nila ang batas. Alagad sila ng batas tapos ganyan sila magsalita, ‘di ba?” banggit ni Remulla.
“Walang drama-drama. Face it like a man. Kung ‘di ka lalaki, if you cannot face it, then what are you? Face it. Ang dami-daming drama,” pagdidiin ng opisyal.
Nauna nang binanggit ng National Bureau of Investigation (NBI) na humihiling na sila ng precautionary hold departure order sa hukuman laban kina Bantag at Zulueta.
Matatandaang ibinunyag ng umano’y “middleman” na si Cistito o Jun Villamor Lapaña, kay self-confessed gunman Joel Escorial na si Bantag ang nag-utos sa kanya upang ipapatay si Lapid.
Gayunman, namatay si Villamor apat na oras matapos iharap sa publiko si Escorial nitong Oktubre 18.
Napatay si Lapid matapos pagbabarilin habang lulan ng kanyang kotse malapit sa BF Resort Village, Las Piñas nitong Oktubre 3 ng gabi.