Nagpulong na ang mga opisyal ng Department of Justice (DOJ), Department of Interior and Local Government (DILG) at iba pang ahensya ng gobyerno upang plantsahin ang paghahain ng kaso laban sa mga idinadawit sa pamamaslang kay veteran journalist Percival “Percy Lapid” Mabasa.
Sa panayam sa telebisyon nitong Linggo, sinabi ni DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos na layunin ng pagpupulong na maihanda ang lahat ng dokumento upang “walang masilip sa isasampang kaso” ngayong Lunes, Nobyembre 7.
Kasama sa pagpupulong sina DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla, National Bureau of Investigation (NBI) Director Director Medardo de Lemos, Philippine National Police (PNP) Chief General Rodolfo Azurin, Jr., at NCR Police Office Director Brigadier General Jonnel Estomo.
“We are preparing lahat ng documentary requirements for a possible fight,” banggit naman ni Southern Police District (SPD) Director Brigadier General Kirby John Kraft.
Ngayong Lunes, inaasahang idedetalye ng NBI ang nilalaman ng isasampa nilang kaso laban sa mga isinasangkot sa kaso.
Matatandaang sumuko sa mga awtoridad ang self-confessed gunman na si Joel Escorial nitong Oktubre 18 at ibinunyag na inutusan siya ng “middleman” na si Cristito Villamor na patayin si Lapid.
Gayunman, matapos ang apat na oras na pag-surrender ni Escorial, namatay si Villamor habang nakakulong sa National Bilibid Prison.
Si Lapid ay napatay matapos pagbabarilin habanng sakay ng kanyang kotse sa labas ng BF Resort Village sa Las Piñas nitong Oktubre 3 ng gabi.