Binalaan ng Land Transportation Office (LTO) ang publiko laban sa mga fixer na ginagamit ang social media sites upang ialok ang kanilang serbisyo.
Nilinaw ni LTO-Special Legal Assistant to the Office of the Assistant Secretary Alex Abaton, isa lang itong panloloko dahil pawang mga peke umano ang dokumento o driver’s license na ibinibigay sa mga aplikante, kapalit ng malaking halaga.
Binanggit aniya sa mga social media post ng mga fixer na hindi na kailangang sumipot ng mga aplikante sa opisina ng LTO dahil sila na umano ang maglalakad ng lisensya.
Aniya, marami na silang ikinasang operasyon, kasama ang Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police laban sa mga fixer. Gayunman, marami pa rin umano ang nakalulusot.
Nagbabala rin si Abaton na ang sinumang mahuling gumagamit ng pekeng lisensya ay maaring pagmultahin ng ₱3,000. Hindi na ring papayagang makakuha ng tunay na driver’s license o makapagmaneho sa loob ng isang taon.