Aabot sa ₱1.17 bilyon ang kakailanganin ng Department of Education (DepEd) para sa pagsasaayos ng mga paaralang nawasak ng Super Typhoon ‘Karding’ kamakailan.
Ito ang inilahad ni DepEd Spokesperson Michael Poa sa isang pulong balitaan nitong Biyernes kung saan binanggit na umabot sa 165 na eskuwelahan ang nasira dulot ng bagyo
“Ang nakikita nating estimated cost for reconstruction or rehabilitation ng 165 schools na ‘to ay ₱1.17 billion,” paglalahad ni Poa.
Dahil dito, inamin ni Poa na isinusulong nilang magpagawa ng disaster-resilient classrooms sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga pribadong sektor at iba pang organisasyon.
Hihingan din aniya nila ng tulong ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa bagong disenyo ng mga paaralan laban sa anumang kalamidad.
Sa huling datos naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 12 ang nasawi, anim ang nawawala at 52 pa ang nasugatan sa pagtama ng bagyo sa malaking bahagi ng Luzon nitong Linggo ng gabi hanggang Lunes ng madaling araw.