Binigyang-pagkilala ng Senado si Filipino tennis sensation Alex Eala dahil sa ibinigay na karangalan sa bansa matapos sungkitin ang kampeonato sa US Open girls’ singles sa New York City, United States, kamakailan.
Si Eala ang unang Pinoy junior Grand Slam singles champion.
Sa pamamagitan ng Senate Resolution No. 199, binigyang-pugay ng Senado ang 17-anyos na atleta nang matalo nito sa nasabing laban si junior French Open champion Lucie Havlickova ng Czech Republic.
Sinabi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, ipinakita ni Eala ang kanyang kakayahang gapiin si World No. 3 Havlickova.
Naniniwala naman si Senate President Juan Miguel Zubiri na magsilbing inspirasyon ng iba pang atleta ang pagkapanalo ni Eala.