Nawindang si American drag queen Trixie Mattel sa litrato ng “manananggal-inspired” couture ng isa sa mga kalahok ng “Drag Race Philippines” na si Viñas DeLuxe, na naging trending din sa Twitter matapos ang episode 3 ng programa, na pinamagatang “Shake, Rattle, and Rampa” kung saan kailangan nilang ibida ang Philippine folklore and mythology.
Umani ng papuri sa madlang pipol ang likha ni “Ian Cartalaba” dahil kung titingnan sa harapan, palaisipan kung paano nahati ang katawan ni Viñas bilang manananggal; subalit ang ikinaloka ng lahat, nang tumalikod na siya, saka nasaksihan ang “matambok” na katotohanan ng kaniyang costume.
Sa kaniyang tweet nitong Sabado, Setyembre 10, ibinahagi ni Mattel ang litrato ni Viñas at nilagyan ng caption an tatlong shocked emojis.
Marami naman sa mga Pinoy tweet users ang nagkomento sa kaniya at ipinagmalaki ang video clip kung saan makikita kung paano ito nangyari.
Mapapanood ang Drag Race PH tuwing Miyerkules ng 7PM sa WOW Presents Plus, Discovery Plus, at HBO Go. Ang host nito ay si Paolo Ballesteros.