Naghihintay na lamang ang mahigit sa 2 milyong mahihirap upang makapasok sa 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program) ng gobyerno, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Nananawagan ako dito sa 4Ps beneficiaries, lalo na sa opisyales ng samahan na mga sir at mga ma’am, hindi lang ho ang mga miyembro ninyo ang miyembro na tumatanggap. Meron pa po akong nasa listahan na 2 million na naghihintay makapasok,” dahilan ni Tulfo sa panayam sa telebisyon.
“Kung di po tayo mag-aalis, paano naman po itong 2 million na may nag-aaral sa elementarya, may nag-aaral sa high school na ilan taon na pong maghihintay. Paano naman po sila na wala ring source?”
Nilinaw nito na aabot sa 1.3 milyon ang tatanggalin nila sa 4.4 milyong benepisyaryo dahil hindi na sila kwalipikado o naabot na ang maximum na pitong taong pananatili sa programa.
Binigyang-diin nito na hindi tatanggalin kaagad sa programa ang mga nasabing pamilya dahil bibigyan pa sila ng abiso.
“Ang paliwanag ko sa kanila hindi naman kayo automatic na tatanggalin. Tatanggalin kayo sa listahan pero aabisuhan kayo, for example, kung kayo’y tatanggalin sa listahan, sasabihan na ho kayo na, ‘Ngayong Agosto na, ma’am … Last po ninyong matatanggap ay Septembe,'” aniya.