Ipinaliwanag ni Negros Oriental Representative Arnolfo Teves, Jr. ang kaniyang panig kung bakit siya naghain ng panukalang-batas na palitan ang pangalan ng “Ninoy Aquino International Airport” at gawing “Ferdinand E. Marcos International Airport”.
Sa isang panayam, iginiit ni Teves na walang bahid-politikal ang kaniyang ginawa. Nais lang aniyang mabigyan ng kredito si dating Pangulong Marcos Sr. sa pagpapaganda ng paliparan. Aniya, napagtanto niyang wala na raw bisa ang EDSA People Power I dahil sa pagkapanalo ni PBBM sa halalan.
“Ngayon ko lang na-realize na wala nang bisa ‘yung EDSA because if EDSA still had bisa, then the ones na pabor doon sa EDSA, sila sana ang nanalo. Bakit si BBM nanalo? Sila pa yung kalaban noong EDSA,” ani Teves.
Iginiit din ni Teves hindi raw sila magkaalyado ni PBBM. Gusto lamang daw niyang ipa-realize sa mga Pilipino kung gaano kagaling na pangulo si dating Pangulong Marcos, Sr.
“Let’s give credit where credit is due,” ani Teves.
Ayon din kay Teves, hindi ito ang unang bill na kaniyang inihain kundi ang muling pag-activate sa Bataan Nuclear Power Plant na dati nang naitayo sa administrasyon ni dating Pangulong Marcos, Sr.
Ayos din umano sa kaniya kung ibabalik sa Manila International Airport ang pangalan ng paliparan.
Natanong din si Teves kung kailangan ba niyang idiscredit ang naging epekto ng EDSA People Power Revolution sa kasaysayan.
“Yes! Before naipakita na, naniwala ang tao, ibig kong sabihin… noong sila na ang nakaupo, anong nangyari sa Pilipinas?” dagdag pa niya.