Nasorpresa ang mga residente sa isang barangay sa Bacolod City noong Hulyo 2 matapos marinig at maispatang nagmumula sa karo ng patay ang tugtog na “Jumbo Hotdog” na pinasikat ng grupong “Masculados”, habang inihahatid ng mga nakipaglibing ang labi ng patay sa huling hantungan nito.
Sa halip kasi na malungkot na awitin ang pumapailanlang, tila sumasayaw-sayaw pa sa saliw ng Jumbo Hotdog ang mga nakipaglibing. Ibinahagi ito sa Facebook ng netizen na nagngangalang “Xerxes de la Banda”.
Imbes na maging malungkot ang mga sumama sa parada ng karo, nagmistula itong prusisyon ng piyesta dahil sa lakas ng pagpapatugtog ng naturang novelty song.
Ayon sa panayam sa kaanak ng namatay na si Irene Lasquite, hiniling daw talaga ng kaniyang yumaong pinsan na gawing masaya ang kaniyang libing.
“Bago siya mawala sa mundong ito, gusto niya po kasi na happy lahat ng pamilya niya. Ayaw niya ng sad song kaya request niya yung TikTok song bago siya ilagay sa kalalagyan niya,” aniya sa isang panayam.
Muling nauso ang “Jumbo Hotdog” dahil ginawa itong dance craze sa TikTok.