Paiigtingin pa ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya laban sa iligal na paggamit ng mga sirena o “wang-wang” at blinker.
Ito ang tiniyak ni PNP director for operations Maj. Gen. Valeriano de Leon nitong Miyerkules kasabay ng babala nito sa mga motorista na tanggalin na lamang ang mga ikinabit na sirena at blinker upang hindi sila arestuhin.
“We expect the HPG (Highway Patrol Group) to intensify the operations in the coming days,” anang opisyal.
Binalaan din nito ang mga nagbebenta at auto shop na nagkakabit nito sa mga pribadong sasakyan dahil matitiktikan sila sa kanilang iligal na gawain.
“Those who sell these items and those who install them will be equally liable,” banta ng heneral.
Ang paggamit ng mga sirena at blinker ay eksklusibo lamang sa mga sasakyang ginagamit para sa opisyal na lakad ng mga tauhan ng PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP), National Bureau of Investigation (NBI), Land Transportation Office (LTO), Bureau of Fire Protection (BFP) at ambulansya alinsunod na rin sa Presidential Decree No. 96.
Kamakailan, umapela si Senator JV Ejercito kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na buhayin muli ang kampanya laban sa abusadong paggamit ng sirena at “wang-wang.”