Ibinasura ng Sandiganbayan ang mosyon ni dating Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Nasser Pangandaman at tatlo pang dating opisyal hinggil sa pagdawit sa kanila sa ₱900 milyong Malampaya fund scam ilang taon na ang nakararaan.
Ipinaliwanag ng 5th Division ng anti-graft court, wala silang nakitang “matibay na dahilan” upang pag-aralan muli ang mga naibasurang mosyon ng mga ito noong Mayo 12, 2022.
Ang mga naibasurang motion to quash ay dating isinampa nina Pangandaman, dating DAR director Teresita Panlilio, dating DAR chief administrative officer Ronald Venancio at dating DAR chief accountant Angelita Cacananta kaugnay ng mga kasong graft (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at malversation.
Nauna nang iginiit ng mga akusado na nilabag ng Office of the Ombudsman ang kanilang karapatan para sa mabilisang disposisyon ng mga kaso dahil matagal na umano itong naaantala.
“As previously discussed, the voluminous records representing numerous transactions speak for themselves, and the Court recognizes that the prosecution’s claim of such volume was not unfounded. The Court, however, cannot assume anything as to why the Ombudsman had not filed the information in court after concluding the preliminary investigation,” ayon sa resolusyon ng korte.
Matatandaang isinasangkot ang mga akusado sa iligal na paglilipat ng Malampaya fund na ₱900 milyong sa mga non-government organization na pag-aari ng negosyanteng si Janet Napoles.
Ang nasabing pondo ay gagamitin sana sa relief operations at rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng bagyong “Ondoy” at “Pepeng” noong 2009.