Dalawa na namang mananaya ang napabilang sa listahan ng mga milyonaryo matapos nilang paghatian ang mahigit sa ₱73 milyong jackpot sa Super Lotto 6/49 draw nitong Huwebes ng gabi.
Sa pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), nahulaan ng dalawa ang winning combination na 36-07-14-21-20-42 na may nakalaang premyong aabot sa ₱73,777,794.40.
Hindi na isinapubliko ng PCSO kung saan binili ang dalawang winning ticket.
Pinayuhan naman ng PCSO ang dalawang nanalo na maaari na nilang i-claim ang premyo sa central office ng ahensya at kinakailangang magdala ng dalawang valid identification (ID) card, kasama ang nanalong ticket.
Gayunman, ipinaliwanag ng PCSO na tatanggalan ng buwis na 20 porsyento ang premyo ng mga ito.
Binobola ang nasabing laro tuwing Martes, Huwebes at Linggo, ayon pa sa ahensya.