Hindi na mapipigilan pa ang pagtaas ng presyo ng tinapay at iba pang produkto na gawa sa harina dahil na rin sa patuloy na digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Ayon sa pahayag ng Philippine Association of Flour Millers, Inc., bumabawi lamang umano sila dahil sa pagtaas ng presyo ng trigo.
Binanggit ng grupo na wala pa silang itinakdang petsa ng kanilang taas-presyo na bunsod ng pagtigil sa pag-e-export ng trigo ng Ukraine dahil ginigiyera pa rin ito ng Russia.
Ang Ukraine ay kabilang sa mga bansang mataas ang produksyon sa trigo. Noong 2021, umani ito ng 21,171,000 metriko toneladang trigo upang masuplayan nito ang buong mundo.
Kabilang sa tataasan ng presyo ang tinapay, noodles, pasta at cake.
Nilinaw ng grupo na sapat naman umano ang suplay ng harina sa bansa. Gayunman, dumoble umano ang presyo nito.